PCO, katuwang ang malalaking pahayagan sa paglulunsad ng “Oplan Kontra Fake News”
Nagbuklod ang Presidential Communications Office (PCO) at siyam na nangungunang pahayagan sa bansa sa isang malinaw at matibay na paninindigan: labanan ang “fake news” at disinformation na patuloy na kumakalat sa digital at social media, at protektahan ang publiko laban sa mapaminsalang epekto nito.
Sa pamamagitan ng isang Memorandum of Understanding (MOU), pinagtibay ng PCO at ng mga pangunahing broadsheet ang kanilang kooperasyon upang harapin ang lumalalang banta ng maling impormasyon. Layunin ng kasunduan na itaguyod ang transparency, palakasin ang media literacy, panindigan ang fact-based reporting, at isulong ang responsableng pagbabahagi ng impormasyon—lahat para sa kapakanan ng mamamayan.
Ang inisyatibang ito ay bahagi ng mas malawak na kampanya na tinawag na Oplan Kontra Fake News, isang organisadong hakbang upang pigilan ang paglaganap ng pekeng balita at nilalamang maaaring magdulot ng kaguluhan sa lipunan, makasira sa reputasyon ng mga indibidwal at institusyon, at magpahina sa demokratikong proseso.
Pormal na nilagdaan ni PCO Secretary Dave M. Gomez ang kasunduan kasama ang mga kinatawan ng Business Mirror, Business World, Daily Tribune, Malaya Business Insight, Manila Bulletin, Manila Standard, Philippine Daily Inquirer, The Manila Times, at The Philippine Star.
Nagkasundo ang lahat ng panig na panatilihin ang tumpak, beripikado, at responsableng pamamahayag, habang iginagalang ang kalayaan sa pamamahayag at editorial independence—mga prinsipyong malinaw na nakapaloob sa 1987 Philippine Constitution at kinikilalang pundasyon ng isang demokratikong lipunan.
Sa ilalim ng MOU, tinukoy ang “fake news” bilang nilalamang:
• walang sapat na batayang factual o sadyang mapanlinlang ngunit ipinapakita bilang totoo;
• sinasadyang likhain o ipakalat upang manlinlang; at
• may kakayahang magdulot ng tiyak na pinsala tulad ng panic, karahasan, pagkasira ng reputasyon, o panghihimasok sa demokratikong proseso.
Binigyang-diin ni Gomez ang kahalagahan ng katotohanan sa gitna ng ingay ng maling impormasyon.
“Disinformation thrives in darkness — in confusion, in distortion, in deliberate deceit. But truth has always been like daylight… In shining that light, we dispel the shadows where fake news attempts to hide,” ani Gomez.
(“Ang disinformation ay umuusbong sa dilim — sa kalituhan, sa pagbaluktot, sa sinadyang panlilinlang. Ngunit ang katotohanan ay laging tulad ng liwanag ng araw… Sa pagningning ng liwanag na iyon, napapawi natin ang mga anino kung saan nagtatago ang pekeng balita.”)
Kabilang sa mga pangunahing layunin ng kasunduan ang pagpapalakas ng pagpapalaganap ng beripikadong impormasyon, pagpapatibay ng tiwala ng publiko sa lehitimong media, pagsusulong ng media at information literacy, at pagtiyak ng mabilis na pagtugon laban sa disinformation lalo na sa panahon ng krisis, emergency, at sakuna.
Bilang konkretong hakbang, itinatag ng PCO ang Anti-Fake News Desk—isang mekanismo kung saan maaaring mag-report ang mga partner at ang publiko ng kahina-hinala o mapanlinlang na nilalaman. Agad itong susuriin at, kung kinakailangan, iaakyat sa kaukulang ahensya tulad ng DICT at DOJ para sa nararapat na aksyon.
Hindi lamang ito mananatili sa monitoring. Ayon sa PCO, aktibo rin nilang tutugisin ang mga sadyang nagpapakalat ng pekeng balita sa social media. Makikipagtulungan din ang tanggapan sa mga digital platforms gaya ng Meta at Google upang sugpuin ang coordinated disinformation campaigns at palakasin ang accountability sa digital space. Source: PCO/PIA)
via Bravo Filipino
